
“Sa pag-aalok ng isang tapát, patulâ, at madásaling salin sa Tagalog ng Salterio, napangyari ni Kap. Baisas na mas marami sa ating mga kababayan ang manalangin nang mataimtim at may kapalagayang-loob sa pananalita ng kanilang mga puso. Nakakatulong ang gawang ito hindi lamang sa pangsariling pamimintuhò, kundi nagpapayaman din ng buhay liturhiko ng ating mga sambayanan, lalo na sa Liturhiya ng mga Oras, kung saan bumubuo ang mga Salmo ng pinakagulugód ng araw-araw na dalangin, kapiling ng buong Simbahan.”
+ Pablo Virgilio S. Kardenal David
Obispo ng Kalookan
Pangulo, Panayam ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas
“Ito ang kasunduang gagawin ko sa sambahayan ng Israel makalipas ang panahong iyon, sabi ng POON: Ilalagay ko ang aking batas sa kanilang kalooban, at isusulat sa kanilang mga puso, at ako ang magiging Diyos nila at sila naman ang magiging bayan ko. Hindi na kailangang magturuan pa ang bawat isa—magkakapitbahay o magkakapatid sa pagsasabing: «Kilalanin mo ang POON», sapagkat makikilala nilang lahat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, sabi ng POON. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan at hindi na aalalahanin pa ang kanilang kasalanan.”
- Jer. 31, 33-34
“Aking matibay na paniniwalang dapat na nakabatay ang pagteteolohiya, maging ang pagninilay na mabathala, sa isang saling malapit na malapit sa tekstong orihinal, upang mas malalima’t mabisa ang pagtuklas sa sáloobin ng ating Diyos. Bukod pa, pinaninindigan ko rin, na binibigyan ang buong sambayanang Kristiyano ng kakayahan ng Diwang Banal na maghayag ng pagmumuning teolohiko.”
- Bienvenido Q. Baisas, OFM
“Waring nagtalaga ang mga monghang Karmelita ng Infanta ng panahon, tiyaga, dalangin at masinop na pag-aaral sa Slm 23. Pinagtixtibay pa nila ang iginigiit mong maisasagawa ang isang totohanang pagmumuni-muning teolohiko sa Salita ng Diyos kahit walang pormal na pagsasanay na akademiko. Bukod pa, ikinikintal ang batayang halaga ng isang saling tapat at malapit sa wikang orihinal ng tekstong bibliko at ng konteksto ng kasaysayang pinagmulan nito, samantalang malapit din naman sa kalinangan at mga karanasan ng mga kasalukuyang mambabasa. Kailangang-kailangan ang mga sangkap na ito para sa isang mabathalang pagbasa/pagmumuni-muning teolohiko sa Salita ng Diyos upang maging mabunga at makahulugan sa mga mambabasang komunidad ng ating panahon.
“Nais kong magalingin ang iyong kahanga-hangang gawain. Inaasahan kong makakatulong tayo sa pagbabahagi ng ganitong paraan ng pag-aaral at pagninilay na madasalin sa mas marami pang mga sektor ng sambayanan.”
- Elton L. Viagedor, OFM
$22.75
| Weight | .70 kg |
|---|---|
| Dimensions | 22 × 16 × 5 cm |
| Language | Tagalog |
| Cover | Paperback |
| No. of Pages | 394 pages |
| ISBN | 978-621-426-269-4 |